“Ang butihing Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”

April 2008

Dressed to kill. Ilang beses ko nang nai-sermon dito sa Lipa na kahit 27 na akong taong pari, hindi pa ako nakakita (at hindi ko naman inaasahan pa na makakita) na merong yumao na iniharap sa Misa na nakadamit pang-basketbol lamang o kaya'y nakapambahay lang sa loob ng kabaong. Lahat sila, kahit tricycle driver o kahit sinong mahirap ay nakadamit makisig. Nakapamburol, wika nga. Dressed to kill! Ang dahilan ay sapagkat matibay ang ating pagsampalataya na kahit tayo ay babalik sa alabok, batid natin na haharap tayo sa Panginoon. Nawa sa limampung araw ng Panahon ng Muling Pagkabuhay na ito sa loob ng Marso at Abril ay may makadama ang kapwa natin na talagang buhay ang Diyos dahil sa ating mga pagpapahalaga at mga ginagawang mabuti bilang "apostol ng pag-asa" kahit mula sa mga maliliit na bagay lang. Syanga naman.
Tag-init na naman. Lalong dadagsa ang mga tao sa mga shopping malls para magpalamig. Kaso, pati mga fastfoods na dibersyon ng mga gustong maka-menos sa "paghataw" ay magtataas na rin ng presyo dahil sa pagtaas ng mga bilihin. Sa malas, halos lahat ngayon ay tumataas. Habang sinusulat ko nga ito, anim na serye na ang price hike ng langis. Ang hindi lang siguro nakikisamang tumaas ay ang grade ng iba sa mathematics. Sa isang banda, paano naman tataas ang grade ng ibang mga kabataan ngayon sa mathematics at science kung ang mga hindi dapat matutunan ay siya nilang napapagka-abalahang matutunan? Minsan nga ay doon pa natututunang mangopya sa subject na Religion o sa Ethics. 'Lungkot naman noon. Syanga naman.
Bansa ng mga indispensable. Ginimbal ako nang malaman ko ang balita na yung Prime Minister ng Republic of Ireland na si Bertie Ahern ay bigla na lang nag-resign nitong Marso dahil mas-sumabog pa ang balita na siya ay tumanggap ng cash mula sa ilang donors noong siya ay Finance Minister pa noong 1993 ("Bertiegate"). Diumano ang iba raw donors ay ginantimpalaan nya ng pabor at mga posisyon sa gobyerno. Sa kabila ng mga alegasyong ito nang una, tatlong terms siyang nahalal dahil napakalaki ng nagawa niya sa reconciliation at peace process sa Northern Ireland at lalo't higit sa pagiging tiger economy ng Republic of Ireland. Ang nakaka-bilib sa kanya, kahit naging "indispensable" siya sa kasaysayan ng Republic of Ireland, United Kingdom at ng Northern Ireland, nag-resign pa rin siya sa kapakanan ng nakakarami. At hindi naman natakot ang mga tao at nagtanong: "Sino naman ang papalit sa kanya?" Hindi ko na dapat sabihin pa ang nangyayari dito sa RP at sa ilang bansa sa Africa kapag ang ibang mga lingkod-bayan ay nasasangkot sa ganitong mga balita ng katiwalian. Baka sumama lamang ang loob ninyo sa akin o kaya'y mawalan kayo ng gana sa pagkain. Syanga naman.
Bumago na tayo sa mais! Mula sa ebanghelyo nina San Mateo, Marko at Lukas (Synoptics), nagparami daw ang Panginoong Jesus ng tinapay dahil sa tindi ng kanyang awa sa mga tao. Nakakaawa kasi sila dahil para silang mga tupa na walang pastol. Mula naman sa ebanghelyo ayon kay San Juan, nagparami ang Panginoon ng tinapay upang makilala ng mga tao na "si Jesus ay ang tanda (sign) ng Mesias".
Katulad ng pagpaparami ng tinapay, ang krisis ng bigas ay meron ding kanyang mga anggulo sa paningin ng mga journalists. Ayon sa ibang komentarista, pumutok ang krisis ng bigas para matakpan ang "krisis ng katotohanan" na naging napakailap para malaman. Sabi naman ng ibang komentarista, ang krisis ng bigas ay sumabog upang matuto ang mga maykapangyarihan na maging vigilant laban sa mga hoarders. Hindi raw maiiwasan na tumaas ang presyo ng langis at ng ibang prime commodities. Pero at least mapipigilan na lumala ang krisis kung tatalasan ng pamahalaan ang mata sa mga mapagsamantalang mga hoarders kasama ng kanilang mga mastermind.
Nang panahon ni Pangulong Marcos, nagkameron din ng shortage sa bigas. Ang komentaryo ng iba, "Yes kasi kayo nang yes, kaya kumakain tayo ngayon ng mayes (mais)!" Ano naman kaya ang sasabihin ngayon ng mga pinoy 2008 sa krisis na ito ng bigas? "Di lang ito shortage ng bigas kundi shortage ng leaders na may vision at character." Syanga naman.
Pagdalaw ng Papa sa Amerika. Kay ganda ng panahon ng pagbisita ni Pope Benedict XVI sa Amerika. Halalan. Gulo sa Gitnang Silangan. Kapayapaan sa Afrika. Sekularismo sa Bansa at iba pang mutual concerns. Napataon na ang Ambassador ngayon ng USA para sa Holy See ay si Ms. Mary Ann Glendon. Noong 1995 siya ang naatasang maging puno ng delegasyon ng Holy See sa Beijing para ipagtanggol ang mga kababaihan. Magsasalita rin ang Papa sa United Nations sa New York. Nawa hindi ito maging kamukha ng pagkikita ng ibang mga magkakaibigan na kanya-kanyang bukasan ng kanilang bag na may lamang mga problema. At pagkatapos na mailadlad ang basurang laman ng kani-kanilang bag ay ibabalik muli ang mga basurang ito sa loob ng bag para baunin pauwi. Ganon din, nawa maging halimbawa ito lalo na sa mga lider natin ng kahalagahan ng "apostolate of presence" hindi lang tuwing eleksyon. Syanga naman.
Salamat po, Doktor! Laganap ngayon ang pagpapayo sa radyo at tv tungkol sa kalusugan tulad ng "Salamat po, Doktor!" Nasabi nga sa isang programa na "ang trahedya sa kalusugan ay hindi ang karamdaman kundi ang ignoransya". Bukod pa ito sa trahedya na nagtatago ang iba sa Doktor dahil takot malaman na sila ay maysakit. Mas takot kasi silang lumala pa ang kanilang cancer sa bulsa. Pero kabaliktaran ito sa kalusugan ng bansa: ang trahedya siguro ay hindi yung ignoransya ng mga abogado, ng mga lider politika, etc., kundi yaong "karamihan ng kanilang nalalaman". Hindi magamut-gamot ang trahedyang ito dahil sa deadly virus na "executive privilege". Syanga naman.

Lent, fifth week

Binuhay Muli ni Jesus si Lazaro
(Juan 11:1-45)


Msgr. Ruben Dimaculangan


Bakit kaya ngayong ika-5 Linggo ng Kwaresma ay ito ang Ebanghelyo? Kahit po sinabi ni Jesus na Siya ang buhay at muling pagkabuhay sa salaysay ngayon, ang tunay na layunin ay ito: upang bigyan tayo ng pag-asa. Sino? Tayong mga nalilibing sa dilim ng kabiguan, karamdaman, pagbagsak sa kasalanan at iba pang uri ng karukhaan at kamatayan. Sa karanasan ng Simbahan, sa mga ganitong yugto nararanasan natin ang muling pagkabuhay dahil pinalalabas tayo ng Diyos mula sa yungib ng iba’t-ibang uri ng kamatayan sa pamamagitan ng Panginoong Jesukristo.

Para po mas malinaw ang mensahe ng Diyos himayin po natin ang Ebanghelyo:
1. Kahit nagpasabi sina Maria at Marta na si Lazarong kanilang kapatid ay napakalubha na ang karamdaman, hindi kaagad sumugod si Jesus para daluhan si Lazaro dahil nasa sulok din ng pag-iisip ni Jesus na kung bubuhayin muli niya si Lazaro sa sandaling si Lazaro ay pumanaw, maipapakita niya sa mga Judio na Siya ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang pagkabuhay muli ni Lazaro ay isang insulto sa mga Pariseo, eskriba at Sanedrin na nagbabanta sa kanyang buhay.

2. Nag-ala-ala ang mga alagad nang mag-desisyon si Jesus pagkatapos ng 2 araw na pumunta sa Betania sa may Judea para dalawin ang pamilya ni Lazaro dahil nang huling pumunta sila sa gawing ito ay tinangka ng mga Judio na batuhin at dakpin si Jesus. Pero ang natupad ay ang kagustuhang ito ni Jesus na makapunta sa Betania dahil sa gagawin niyang buhayin muli si Lazaro ay maging ginintuang pagkakataon para mapalakas ang pananampalataya ng mga alagad.

3. Mababakas ang kinukuyom na hinanakit ni Marta kay Jesus nang sabihin niyang, “Kung andito ka lang Panginoon, disin sana’y hindi namatay si Lazaro.” Pero dahil may kakaibang presensya at tinig si Jesus nabuhayan siya ng pananalig. Nahigtan pa nga nya ang pananalig ng mga Judio dahil sa halip na maniwala lamang na si Lazaro ay mabubuhay muli sa huling araw sinabi ni Marta na kung sakaling hihingin ora mismo ni Jesus sa Diyos na buhayin muli si Lazaro ay ipagkakaloob ito ng Diyos”. Mas matindi ang pananampalataya ni Marta dahil kahit ayon sa paniniwala ng mga Judio ay huli na ang lahat para sagipin si Lazaro magagawa pa rin ni Jesus ang himala. Ayon kasi sa paniniwala ng mga Judio, ang kaluluwa ay lumalayo sa katawan ng namatay patungo sa daigdig espiritwal pagkatapos ng tatlong araw. Pero nang dumating si Jesus sa Betania ay apat nang araw na nakalibing si Lazaro.

4. Nag-atubili si Marta sa utos ni Jesus na pabuksan ang yungib kung saan nakalibing si Lazaro dahil sa ika-apat na araw, lalo na kung tag-init, siguradong aalingasaw ang nabubulok nang katawan ni Lazaro; nakakahiya ito sa mga nakikipag-lamay.

5. Nang maipagulong na ang takip ng libingan, ang unang ginawa ni Jesus ay manalangin ng pasasalamat sa Diyos Ama dahil tiyak siyang pinakinggan nito ang kanyang kahilingan. Ipinarinig niya sa mga tao ang panalanging ito upang maipakita sa kanila na siya ay isinugo ng Ama sa Langit.

6. Para mas maipadama nya lalo ang pagmamalasakit kina Marta at Maria at para maipahayag niya sa mga Judio, lalo na sa mga Pariseo, Eskriba at Sanedrin na Siya mismo ay may kapangyarihan laban sa kamatayan, sumigaw si Jesus, “Lumabas ka Lazaro!”

Hamon:
Kagaya ni Marta, dinaraanan din tayo ng panghihina at pagtatampo sa Diyos dahil parang laging wala Siya kapag dumarating pati sa ating bansa ang iba’t-ibang uri ng kamatayan at sakuna. Ang hamon ay ito: Gayahin natin si Marta na kahit kuyom ang pagtatampo dahil parang wala si Jesus ay sinalubong pa rin at dinama ang presensya at tinig ni Jesus para maghari muli ang kanyang nanghinang pag-asa at pananalig. Gaya ni Marta sabihin rin natin kay Jesus na nagtitiwala tayo na anuman ang hilingin ni Jesus sa Ama ay kanyang ipagkakaloob… kahit yung dalangin na buhayin muli ang kaluluwa ng ating Bayan na unti-unting pinapatay dahil sa mailap na katotohanan at napakamamahaling katarungan.

“Andito ka sana … Kung andito ka lang...” Hindi ko alam kung ilan sa inyo ang nasumbatan na ng ganito. Hindi man tayo karapat dapat, ipadama natin na andito talaga ang Diyos sa pamamagitan ng ating presensya, tinig, gawain at ideyalismo. Maging ministro kayo ng pag-asa kahit pa meron kayong inyo-inyong ding binubunong magkakaibang kalbaryo.

Alam ninyo, 27 taon na akong pari, pero hindi pa ako nakakita ng pamilya na hinayaan nila ang kanilang yumao na humiga sa kabaong na naka-pambasketbol, naka-pambahay o naka-mini skirt. Lahat ay magagara ang suot dahil kombinsido tayo na kahit sila babalik sa alabok, haharap sila sa Panginoon. Maliwanag dito na malakas ang paniniwala natin sa Muling Pagkabuhay. Pero ang premyong ito ng Muling pagkabuhay ay laan lamang sa mga tao na kumilala kay Kristo sa ating mga mumunting karanasan ng kamatayan habang tayo pa ay nabubuhay. Sila lamang sa huling sandali ng kanilang buhay ang makakasambit ng sinabi ni Jacqueline Kennedy na nakaranas mismo ng kamatayan ng iba’t iba niyang mga mahal sa buhay: “Ang kamatayan ay hindi talaga pagkitil ng liwanag. Sa halip ang kamatayan ay para lang isang pagpatay ng isang lampara dahil dumating na ang bukang-liwayway. (Jacqueline kennedy)”

Lent, fourth week

Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Bulag
(John 9:1-41)


Msgr. Ruben Dimaculangan

Siguro ay nakadaan na kayo kahapon sa sine na ang pamagat ay “My BIG Love”. Tungkol ito sa isang mayamang bachelor (Sam Milby) na mahilig magluto, pero merong isang depekto: ang pagkataba-taba. Pero muntik na syang makatsamba ng mayaman ding mala-diyosa pa ang ganda na kanyang ka-chat na si Kristine Hermosa. Pero nang mag first date sila ay naunsyami ang babae, si Kristine, dahil di niya akalaing “dambuhala” ang kanyang makikita. Buti na lang at nakilala ni dambuhalang Sam Milby si Toni Gonzaga, isang fitness instructor o therapist para turuan siyang madisiplina ang sarili para pumayat. Pareho silang nagkagustuhan in the process pero ayaw nilang magpahalata sa isa’t isa. Ang malungkot nito, kinailangang magpunta ni Toni Gonzaga sa Japan dahil mahirap lang sila at pangarap nyang makapagtayo ng sariling health clinic pagkatapos ng 2 taon. Sa paglipas ng panahon nakita muli ng mala-diyosang si Kristine si Sam Milby na ngayon ay macho na dahil sa kanyang fitness exercises. Nagkagustuhan sila. Nalimutan na ni Sam si Toni Gonzaga na nasa Japan dahil hindi sumasagot ang huli sa kanyang emails. In short, sa pagsisikap ni Toni Gonzaga sa Japan umuwi siya at natupad ang pangarap na makapagpundar ng sariling health clinic. Pero nalungkot sya nang malaman na ikakasal na pala si Sam. To make the story short, sa bandang huli ipinalamang ng mala-diyosang si Kristine ang kanyang BF kay Toni Gonzaga dahil hindi talaga sila compatible. Si Sam na dating dambuhala at si Toni Gonzaga pa rin (yung fitness instructor) ang nagkatuluyan dahil ramdam ni Sam Milby na sa simula’t simula pa ay genuine si Toni Gonzaga. May prinsipyo ang dalaga at minahal siya kahit mukha pa siyang dambuhala noon.

Para itong isang fairy tale, pero iyan ang mensahe ng unang pagbasa. Ipinakita dito kung papaano si Yahweh pumili ng magiging dakilang Hari ng Israel hindi sa bikas at lakas ng katawan ng mga mas-panganay na anak ni Jesse kundi sa kasimplehan ng bunsong pastol na si David (1 Sam 16:1-7).

Ganito rin ang mensahe sa Ebanghelyo tungkol sa pagpapagaling kay Bartimeo. Ipinakita ni Jesus na ang paggaling at pananampalataya ay regalong dumarating hindi lang sa mga paladasal na mga Pariseo kundi sa mga yagit ng lipunan na katulad ng bulag na si Bartimeo (John 9:1-41).

Ang tunay na sumasampalataya katulad ng bulag na si Bartimeo ay alam ang pagkakaiba ng panlabas na religious practices sa tunay na pananampalataya. Alam niya na hindi sapat ang pagpunta sa pilgrimage sa Roma, sa Holy Land, sa Lourdes o Fatima para madama ang presensya ng Diyos. Batid niya na makikita rin niya ang Panginoon sa bahay ng mga mahihirap at maysakit. Katulad ng sinasabi ng CBCP sa sulat nila ng 18 February, alam nila na hindi sapat yaong communal action katulad ng nakalipas na Edsa1 at Edsa 2 kundi yaong isang special people power o communal action na nag-uugat mula sa simpleng mamamayan upang pagnilayan ang kanilang papel sa pagtatanggol sa katotohanan araw-araw hindi lang sa panahon ng ganitong may pumuputok na malaking krisis. Isang communal action ng edukasyon ng pagmamalasakit sa katotohanan na nagsisimula sa mga tatay at nanay at sa mga guro sa iskwelahan tungkol sa pagiging honest at pagmamalasakit sa kaluluwa ng bayan. Alam nya na hindi sapat na mabihisan ang mga santo kundi mas mahalaga ang hindi siya maging bulag sa pagiging “hubad” ng mga nasa laylayan ng lipunan. Kailangan ding pagsikapan niyang makita si Jesus sa mukha ng kanyang mga kapitbahay at at nasasakupan lalo na kung siya ay pinili nila sa isang halalan at pinagkatiwalaan ng public trust. Alam nya na hindi sapat ang maging dalubhasa siya sa pakikipagdebate para sa sinasampalatayanan. Kailangan ding makilala si Jesus sa makipot na daan ng sakripisyo at integridad. Sabi nga ni Cardinal Vidal, ang Diyos ay napakasimple. Kaya lang tayo nahihirapang maniwala sa kanya ay para bang hindi nakikita sa pagkatao at ginagawa ng mga Kristyano ang larawan ng pagmamalasakit ng Diyos. Hindi katulad ng ginawa ni Veronica na nang punasan ang duguang mukha ni Kristo ay nakita sa kanyang mantel (kawanggawa) ang imahen ng Diyos.

Alam nyo ang isa pang aral ng ebanghelyo ngayon ay ito: ang problema ng mga Pariseo ay hindi yung “sila ay bulag”. Ang problema ay ay yaong “ayaw nilang makakita”. Sabi nga ng sikat na bulag at bingi na si Helen Keller: “Ang pinakamalaking kalamidad na pwedeng mangyari sa atin ay hindi yaong isilang tayong bulag kundi yaong isilang tayong may mga mata pero ayaw naman nating gamitin para makakita.” At gusto ko pa pong dagdagan sa sinabi niya: “Mas masidhi ang kalamidad kung bukod sa ayaw makakita ng mga may mata ay pilit pa nilang tinatakpan ang mga mata ng iba samantalang napakalinaw na ng katotohanan”.

Tularan natin ang misyon ni Jesus na magbigay ng liwanag. Si Jesus ang nagbukas ng mga mata ni Zaccheo para maipakita ang panganib ng kayamanan. Binuksan niya ang mga mata ni Magdalena para makita ang liwanag ng biyaya, pagpapatawad at pagmamahal. Binuksan ni Jesus ang mga mata ng magnanakaw sa kanyang kanan para makita ang liwanag ng pagpapatawad at ng buhay na walang hanggan.

Sa mga taong natatakot mabuhay dahil sa kanilang kapintasan tulad ni Dambuhala sa sineng “My BIG Love”, o tulad ni Bartimeong isinilang na bulag, hwag kayong matakot. Alam ba ninyo na napakaraming mayaman ngayon, napakaraming naggagandahang mga babae at makikisig na lalaki na nagsusumigaw ang puso para sila ay mahalin. Iyan ang dahilan kung bakit yung ibang mayaman ay nangangamkam pa ng yaman at kapangyarihan… pero lalo silang hindi makaramdam ng kabusugan dahil napapawi sa kanilang mukha ang pagiging kawangis ng Diyos. Meron namang akala natin ay maraming nagmamahal dahil sa kanilang ganda at kisig ay saksakan pala ng lungkot dahil nalilito sila kung yaong minamahal sa kanila ng kapwa ay yun lang kanilang katawan, ganda at kisig. Kaya nga ay iba ay naliligaw na, nakakapang-api ng mga kababaihan at napapaglaruan ang kabanalan ng pag-ibig at sakramento ng kasal. Walang may monopoly ng lahat ng blessings sa buong buhay. Kaya nga, ngayong Kwaresma magandang maala-ala ang ganda ng mensahe ng Salmo Responsorio ngayon: “The Lord is my Shepherd. In Him, there is nothing I shall want.” Kay Jesus, hindi natin mararamdaman na mangangailangan tayo ng iba pa. Magdasalan po tayo sa isa’t isa.

Lent, third week

Ang Samaritana sa may Balon ni Jacob

Noon pong isang linggo naala-ala natin ang pagbabagong-anyo ni Jesus sa bundok. Ngayon naman ay tungkol sa pagbabagong-anyo ng buhay ng Samaritana. Mayroon pong 3 dahilan kung bakit siya ay biglang nagbagong buhay.
a. Sa magandang pag-trato ni Jesus sa Samaritana, winasak ni Jesus ang diskriminasyon na ginagawa ng mga Judio sa mga Samaritano. Mababa ang pagtingin ng mga Judio noon sa mga taga-Samaria dahil nang sinakop ng mga banyaga ang Samaria ng limang beses, nakipag-asawahan sila sa mga banyaga. Sa tingin ng mga fundamentalistang Judio, nadumihan ang ugat ng mga Judiong taga-Samaria ng dugong banyaga kaya sila ay dapat lang ituring na mas-mababang uri na mga Judio. Pero si Jesus ay hindi naging matapobre sa Samaritana.
b. Kahit ang Samaritana ay may maruming nakalipas dahil nakisama sa limang lalaki, binale-wala ni Jesus ang kultura na nagbabawal sa kanya na makipag-usap sa isang makasalanan. Bistado ni Jesus na ang Samaritana ay makasalanan dahil sa halip na ito ay umigib sa umaga o hapon kasama ng ibang mga kababaihan, umiigib ito sa tanghaling-tapat kung kailan walang taong mangungutya sa kanya. Pero kahit ang Samaritana ay nagsisinungaling at dinidebate pa siya ipinadama ni Jesus sa kanya na merong tunay na pagka-uhaw na hindi mapapatid ng tubig sa balon at ng aliw mula sa tawag ng laman lamang.
c. Sa halip na gayahin ni Jesus ang kulturang Judio na ang mga Rabbi o mga guro ay di dapat makipag-usap sa publiko sa mga kababaihan, lalo na sa makasalanang Samaritanang ito, nabasa ni Jesus na ang pagkauhaw ng Samaritana ay hindi sa doktrina kundi sa pag-asa na ang Diyos ay ganon na lamang ang pagmamalasakit sa kanya kahit isa siyang nawalang tupa.

Angkop na angkop ang ebanghelyong ito mula kay San Juan 4: 5-42 ngayong Kwaresma at ngayong nasa gitna ng krisis ang ating bansa. Ang pakiramdam marahil ng iba sa inyo ay parang yung mga Judio na matapos makatawid sa Dagat na Pula at nang nauhaw sa disyerto ay sinisisi si Moises. Kanilang pinagtatalunan kung pinapatnubayan sila ng Diyos. Pinapaalalahanan tayong lahat na ang tunay na pagka-uhaw ng ating bansa ay mapapatid ng tubig na di nakakauhaw, ang “honesty power”. Oo, “honesty” na mula sa mga pinaka-aba ang katayuan sa lipunan hanggang sa mga pinagkatiwalaang lingkod-bayan. Kaugnay nito, bago umalis ang Kgg. na Arsobispo patungo sa Roma, nag-iwan siya ng mensaheng ito na pahintulutan ninyong aking babasahin:

Sa mga Pari, mga Relihiyoso at mga Mananampalataya ng Arsidiyosesis ng Lipa:
Mga pinakamamahal kay Kristo,

Lubos naming ikinababahala ang katayuan at direksyong tinutungo ng ating Bansa bunga ng mga alegasyon ng katiwalian diumano sa ilang proyekto ng pamahalaan. Kasama ng iba pang mga Simbahang Lokal sa Pilipinas, kami rin ay nananawagan na pagtibayin natin ang pagsampalataya sa Panginoon, ganon din sa kapangyarihan ng panalangin upang maghari ang biyaya ng “daan ng katotohanan”.
Naniniwala kami na kayo rin ay kombinsido na hindi sapat na tayo ay maging tagapanood lamang o magpadala sa kawalang-pag-asa. Kaya nga, kasama ng pagliligtas sa ating kaluluwa, gawin nating daan ang Panahon ng Kwaresma upang mapag-ukulan ng pansin ang pagliligtas rin sa “kaluluwa ng ating bayan”. Magtulungan tayong mapagdasalan at mapagnilayan ng lahat ng sektor (Obispo, estudyante, businessmen, accademes, taga-probinsya at Maynila) ang nararapat na communal action para sa katotohanan, kapayapaan at pag-unlad. Kasama ng communal action sa pananalangin, isang mas konkretong pagkilos kung ang una nating gagawin ay ang pagbunot ng ugat ng ating kasalanang personal. Ganon din, ang pagtatakwil sa kasalanan ng sistema na sa ating Bansa ay malimit sumuloy at matinding mag-ugat sa paglilingkod sa sari-sariling “pamilya” lamang.

Sama-sama tayong manalangin para sa liwanag ng Espiritu Santo at sa pagkalinga ng Mahal na Birheng Maria at San Jose . Inaasahan ko na sa pamamagitan din ng pagsunod sa panalanging isinasahimpapawid sa ating Archdiocesan Radio – 99.1, Spirit FM, tuwing ika-walo ng gabi, hindi lang sa panahong ito ng krisis, makakatulong tayo na makakamtan ng ating Bayan ang pagpapala na laan para sa mga anak ng Diyos.

Mga kapatid, bukas ay Anibersaryo ng People Power. Hindi po ako nawawalang-pag-asa kahit matapos ang 20 taon ay para bang nagkikikisay pa rin ang ating bayang api sa kumunoy. Kung tutuusin, ang problema natin siguro ay hindi yaong hindi tayo takot magbuwis ng ating buhay para sa demokrasya … kundi yaong ayaw nating pangalagaan ang demokrasya. Kayang-kaya ng iba na tawirin ang mga bundok at harapin ang lahat ng uri ng panganib para tapusin ang mapang-aping sistema, pero nawawala ang tyaga na siguraduhing hindi sumuloy ang kasalanan sa sistema araw-araw. Marahil ang maraming aktibista noon ay bumitaw at sumawsaw sa anlalawa ng pakaunti-konting “pakikisama” sa mga sinasabing mga katiwaliang “legal” na ngayon ay naging kable na na gumagapos sa kanilang kaluluwa at nagbilanggo sa kaluluwa ng bayan. Pero kagaya ng naranasan ng Samaritana, hindi pa huli ang lahat. Magandang ipaala-ala po sa inyong nagpapakabuti na nakikinig ngayon na dinaraanan ng panghihina, tandaan ninyo na hindi magagawa ng buwan (o ng mga taong tulad nyo na nagpapakatatag) ang kanyang mabuting trabaho na magbigay liwanag sa dilim ng gabi kung lagi nitong papansinin ang lahat na aso na tumatahol o nanunumbat sa kanya. Katulad ni Jesus, maging ministro tayo ng pag-asa sa isa’t isa.

March 2008

People Power
Marami ang cynical lalo na sa probinsya tungkol sa kung dapat silang makilahok sa paghanap ng katotohanan at solusyon sa krisis ng Bansa ngayon dahil sa wala rin daw namang nangyari. Tinanong ni Ruben ang sarili niya kung saan nagkamali si Juan de la Cruz. Heto ang mga isinagot ni Ruben sa kanyang sarili:
Nang hindi na kinailangan ang Cardinal Sin power, bumangon naman mula sa hukay ang "sin" power.

- Ganon din, lumabo ang ibig sabihin ng reconciliation; naging "reconciliation", i.e., naglaho ang accountability. Sabi ng iba, yun ang missing link sa tagumpay ng People Power.
- Ang ibang kinatawan ng bayan sa Kongreso, Senado, atbp., sa halip na maging taga-check ng Nakaupo ay naging cheering squad (dahil diumano natapalan ang kanilang mata, tenga at bibig ng ibang uri ng check).
- Isa pa, ang nakakapangilabot na awiting "Bayan Ko" ay naging theme song lang ng "bayang api" o ng elementary at high school kapag Linggo ng Wika. Natabunan ito ng lakas ng volume ng sama-samang pag-awit ng mga muling nabuhay na Trapo (traditional politicians) at ng "bagong" politicians. Sa halip na "Bayan Ko", ang naging theme songs nila ay ang "Pamilya Ko" at "Weather-Weather Lang!".
- Dahil ang dasal ng iba ay para sa kaligtasan lang ng sariling kaluluwa at ang iba naman ay "Aba, Ginoong Barya", nalimutan na nila yaong kaluluwa ng Bayan.
- Marami pang dahilan kung saan maaaring nagkamali. Hindi ko na sasabihin, kasi ang daya nyo. Ako lang ang pinapapag-isip nyo. Pero pag pinilit nyo ako, sasabihin ko rin. He he he he he. Syanga naman.
Pebrerrrrrro-Marrrrrrso 2008. Dahil sa peculiar na kalamigan dito sa Lipa hanggang nitong mga unang linggo ng Marso, nadagdagan ang aking problema: bago maligo sa umaga, kung hindi kailangang magmadali, ay struggle talaga ako kung magbubuhos na o hindi muna. Brrrrrrrrrrrr! Daig pa ang lamig ng Pasko! Tabo system kasi ako, eh. Salamat na lang at mayroong salitang "mortification" lalo na kung Kwaresma. Pero alam ko, napakaliit itong sakripisyo kung ihahambing sa dinadalang krus ng ibang mga bumabasa nito ngayon. Napapag-usapan din lang naman ang "krus", alam ninyo, sinabi ni Santa Teresita ng Batang si Jesus na "wala talagang matamis na krus. Kung matamis ito, hindi ito tunay na krus". Wala po palang minatamis na krus. Hindi rin pwedeng pumili ng krus na gusto mo. At kung wala naman kayong krus, hwag naman sanang maging krus kayo ng iba. He he he he. Happy Easter in advance po sa inyong lahat. Syanga naman.
The Healer Priests. Akala ko ay sa Pilipinas lang at sa iba pang mahihirap na bansa hinahabol ng mga maysakit si Fr. Fernando Suarez dahil isa talagang kalbaryo ang magkasakit dito lalo na kung ang pamilya ng pasyente ay maysakit din sa bulsa. Bukod roon, uhaw sila sa milagro na galing sa Diyos. Sawa na kasi sila sa dami ng "milagro" na nangyayari sa komersyo at politika. Pero nang makita ko sa website ang schedule ni Fr. Suarez sa USA at sa Canada, napagtanto ko na sa North America din pala ay marami rin ang naghahanap sa kanya . . . hindi lang para sa kagalingan ng katawan kundi sa inner healing. Marami ang uhaw sa Diyos.
Hindi ako magtataka kung katulad ni Fr. Suarez, ganon din ka-busy ang timetable ng kilala nating healers dito na sina Fr. Joey Faller (Lucena) at Fr. Osorio, OSJ (Lipa). Sila man bilang healers ay nangangailangan ng ating panalangin upang makilala si Jesus na nagpapagaling sa pamamagitan nila. Alam po n'yo, minsan ay inimbitahan ako ng office clerk ng Lipa Cathedral para mag-Misa sa isa sa mga buwanang healing Masses. Dahil talagang busy ako, nagbiro ako sa kanya na kaya di ako makakapag-Misa ay baka ma-discover ako na healer din. Ha ha ha ha. Pero sa totoo lang, ipagdasal po natin ang ating mga healer-priests. Syanga naman.
"At the End of the Day . . .". Akala ko ay sa United Nations speeches ng mga country delegations lang uso ang expression na "at the end of the day …". Nahawaan din nila ang Kongreso, Senado, ang Square Off sa ANC, university campus at ang talk shows sa telebisyon. Hindi ito uso sa mga sermon ng pari sa Batangas dahil Tagalog ang sermon nila. Siguro, ito rin ang paboritong expression ni San Pedro sa pintuan ng langit. Sasabihin niya sa atin: "Oo nga, naging makasalanan ka dahil makasalanan at pinagkasalahan ka ng iyong kapitbahay. Medyo may dahilan ka. Pero 'at the end of the day' hindi mo ito pwedeng maging dahilan para ipagpilitan ang sarili mo na makapasok dito sa langit. Oo nga't makasalanan ang kapitbahay mo, eh ano naman ang ginawa mo?" Kaya nga, at the end of the day, magkakamot lang tayo ng ulo sa harap ni San Pedro at sasabihing, "Syanga naman".
Sa wakas, bakasyon na naman! Outing, youth seminars, liga ng basketball, Mayflower festival, piyestahan, internal tourism, summer job, vocational, drama and dance workshops, hataw ditto, hataw doon – iyan ang mga nagbibigay-kulay sa bakasyon ng mga kabataan. Balita ko ay medyo magiging kaiba ngayon ang summer ng mga estudyante sa Maynila kung hindi kaagad matatapos ang krisis na dulot ng NBN-ZTE issue dahil magpapatuloy ang mga fora at martsa. Gusto rin kasi nila patunayang socio-politically conscious din ang mga kabataan ngayon.
Ewan ko ba, minsan ay mas-magaling pang mag-analyze ang mga kabataan, taxi drivers, vendors at labandera kung ano ang solusyon sa problema natin kung ihahambing sa mga Nakaupo sa itaas at sa ibang backseat drivers ng oposisyon. Naniniwala ako sa sinabi ni Helen Keller na "ang tunay na kalamidad sa buhay ng tao ay hindi yaong isilang kang bulag kundi yaong isilang kay may mga mata pero ayaw mo namang makakita." Gusto kong idagdag sa sinabi ni Helen Keller na "ang mas-masahol na kalamidad ay yaong bukod sa ayaw nilang makakita ay tinatakpan pa nila ang mata ng iba para hindi rin sila makakita." Aral din ito sa mga kabataan habang sila ay nagmamartsa hindi lang sa kalye kundi habang naglalakbay sila sa kanilang buhay propesyonal: "Yung ating bad habit ay nagsisimula sa pagtapak natin sa bagay na akala natin ay anlalawa lamang pero kapag lumaon ang anlalawa ay nagiging kable na gumagapos sa atin at bumubulag sa ating pagtingin sa katotohanan." Syanga naman.

Lent, second week

ANG PAGBABAGONG ANYO NI JESUS
Msgr. Ruben Dimaculangan
In the two preceding readings we have been reminded today of the salvific value of suffering, and self mortification. Abraham, at age 75, had to renounce his pagan belief, leave his tribe and his country (Ur, south of Iraq) and face the dangers and difficulties of setting up a home among "strangers", that is, enemies at that time (Gen. 12:1-4). Timothy, son of a pagan father and a Jewish mother, is reminded by Paul during his second missionary journey to Lystra of the necessity of suffering for the gospel, if he is to preach effectively (2 Tim 1:8-10).
Our third reading from Matthew's gospel (17:1-9) is, instead, a source of encouragement – an incitement to be willing to suffer for a brief period because of the glory that will be ours later on. Six days before the transfiguration Peter had professed his faith in Jesus and had been praised for it. Yet, he still did not know the true Jesus. That is why during those six days the disciples' spirit was low especially when Jesus announced that he would go to Jerusalem and would be killed there. For Peter, it was an outrageous and unacceptable idea.
In order to strengthen them for the scandal of the cross , Christ now gives the three leading disciples a brief glimpse of his future glory as the risen Lord.
Jesus was transformed. Peter, realizing that Jesus was no mere a carpenter, wanted to perpetuate the moment of glory. He wanted to stay there in the mountain forever by pitching his tent. He was also thinking that Jesus, the new Moses, would receive another Law and revelation like what Moses (greatest lawgiver) and Elijah (greatest prophet) received at a mountaintop. But after hearing the voice from heaven the 3 apostles realized that Jesus received the seal of approval from the Father expressing that he was the fulfilment of all that Moses and Elijah had taught.
Jesus does not want them to stay on the mountain for their mission is waiting in the valley and they must follow Jesus to Jerusalem . When we believe in Jesus' presence we do not sit down in helplessness, frustration, anger or despair. We stand up and have no fear, no matter what kind of challenge awaits us in the valley.
Love can be tough and all demanding. We cannot and do not get to heaven in a limousine. He who shuffles off his cross will find that it doubles its weight and loses all the value it was intended for his true welfare. Besides, Jesus does not abandon his disciples in these moments. If he is asking them to share in the cross, he is also willing to let them share his glory.
While we teach our children the reality of human sacrifice, we must also teach them the beauty of the glory that follows. Generosity, integrity and true love lead to genuine happiness. Having contact with God transforms us. It drives away the darkness and makes us become a light for others. Yes, a light that is not hidden inside a drawer but put upon the table.

Lent, First Week

(22nd National Migrants' Day)
ANG PANUNUKSO NG DIYABLO KAY JESUS
Msgr. Ruben Dimaculangan
Itong pangyayari sa buhay ng Panginoon sa disyerto, ang kanyang pag-aayuno ng 40 araw na sinundan ng panunukso ng dyablo matapos na siya ay binyagan ni Juan Bautista, ay napili ngayong unang Linggo ng Kwaresma para palaksin ang ating kalooban at mahimok na magpakatibay.
Ang pagdanas ni Jesus ng tatlong uri ng tukso, na karaniwang siya ring mga tukso na dumaraan sa ating buhay, ay larawan ng kanyang pagdamay sa ating pagkatao:
a. Tukso ng layaw ng katawan, tawag ng laman at pagkamakasarili (ang gawing tinapay ang mga bato)
b. Tukso ng pagmamataas at karangalan (magpatihulog lang siya sa taluktok ng templo at ipakita na siya ay tunay na Anak ng Diyos dahil aalalayan siya ng mga anghel). - Ito rin ang klase ng tukso na kinabagsakan ni Moises nang padala siya sa mga reklamo ng mga Israelita laban kay Yahweh nang sila'y mauhaw sa disyerto matapos makatawid sa Dagat na Pula [Ex 17: 1-7]).
c. Tukso ng labis na kapangyarihan (magpatirapa lang siya at sumamba sa demonyo).
Pero kay Kristo mas makapangyarihan ang pagmamahal nya sa Ama kaysa padala sa tukso ng "easy money" at "absolute power". Kaagad nyang naitaboy ang demonyo bunga ng kanyang sigasig sa pananalangin. Maliksi nyang nasabing: "Back off!". Alam kasi ni Kristo na ang tukso ay laging mas kaakit-akit tingnan doon lang sa simula, i.e., bago mangyari ang kasalanan. Saka lang tayo nanghihilakbot sa kapangitan nito matapos na tayo'y mahulog na sa kasalanan. Kaya nga, tandaan ninyo ito, mga kapatid: "Mas madali ang lumayo sa tukso kaysa umahon sa patibong o balon ng pagkakasala."
Sinasabi nga rin ng isang Chinese proverb: "Hindi mo mapipigilang magpaikot-ikot sa iyong ulunan ang mga ibon, pero pwede mong maiwasan na sila'y mamugad, mangitlog at magkalat sa iyong tuktok." Pwede tayong umiwas na pamalagiin sila sa ating isip. Pero dahil hindi tayo kasing-lakas ni Kristo, wa-epek sa dyablo kahit sigawan natin ito ng sampung beses na "back off". Ang payo nga ng mga Santo ay tayo na mismo ang mag-back off sa mga tukso, at kung maaari ay kumaripas pa tayo ng takbo mula sa okasyon ng tukso dahil napaka-tuso ng dyablo. Ang kasalanan ay laging nababalot ng kagandahan at maraming itong kaibigan.

Para sa mga above 20 years old na, nakita ko na "Mas naiintindihan natin ang buong buhay natin kung ito ay niri-review at pinagninilayan… kasama lalo na ang mga pagkakataong tayo ay nadapa." Ang problema para sa ating lahat, para mag-move on, para ma-enjoy ang regalong buhay sa atin ng Diyos, hindi pwedeng paatras lagi ang tingin at magpakalunod sa ating nakalipas. Kinakailangang humakbang paabante.
Mga kapatid, bagama't sagana ang biyaya ng Diyos sa ating paglalakbay at lagi Siyang handang magpatawad, bayaan nyong ulitin ko habang tayo ay malakas pa: "Mas madali ang lumayo sa tukso kaysa umahon sa balon ng pagkakasala." Pwede tayong matulungan ng kasamaan na makamtan anuman ang ating pangarap (even our wildest dreams), pero hindi tayo mapapalaya ng kasamaan. Gagawin nito tayong kanyang alipin, takot sa liwanag, nahihiya sa ating kahubdan bunga ng kapangitan ng kasalanan.
Mga kapatid, ang Kwaresma ay panahon upang talikdan ang kasalanan, yakapin ang Ebanghelyo at bagtasin ang tamang daan.

Recent Comments